Ang Mensahe ng Krus: Pagibig, Pamamagitan, Pagpapatawad, Pagliligtas
PAG-IBIG
Ang dakilang pag-ibig ng Dios sa sangkatauhan ay naipamalas nang si Jesucristo ay ipinako sa krus at nang Kaniyang banggitin na may buong kasinsiruhan ang mga katagang, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa…” (Lucas 23:34, Ang Biblia)
Sa kabila ng pagdurusa, hirap, at sakit na tiniis ni Jesus sa krus, hindi Siya nag-isip ng galit o paghihiganti. Sa halip, ipinanalangin pa rin Niya at inihingi ng tawad ang mga nanakit sa Kaniya nang walang dahilan. Hindi nabahiran ng poot at galit ang Kaniyang puso hanggang sa Siya ay mahatulan ng kamatayan sa krus ng Kalbaryo. Hindi Siya nagbitaw ng mga pagbabanta o masasamang salita dahil alam Niyang ang tao ay bulag sa katotohanan at alipin ng kasalanan. Hanggang sa Kaniyang huling hininga sa krus, pag-ibig ang nanaig sa Kaniya. Kaya’t Siya ay nanalangin para sa kanila bilang pagsunod sa utos ng Ama—ang maging Tagapamagitan sa Dios at sa tao.
PAMAMAGITAN
Ang Panginoong Jesucristo ay ipinakilala sa Kasulatan bilang ang tunay na Tagapamagitan sa Dios at sa tao. Bilang Anak ng Dios, batid ni Cristo ang kalooban at damdamin ng Ama. At bilang Anak ng Tao, nauunawaan din Niya ang kalagayan at damdamin ng tao.
Sa Lucas 23:42, mababasa natin ang kwento ng dalawang tulisan na ipinako sa krus kasama ni Cristo. Isa sa kanila ay nagsabi, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Siya ay tiyak na nakagawa ng mabigat na kasalanan—maaaring siya ay nakapatay at nakagawa ng maraming masasamang gawain, kaya’t siya ay ipinako sa krus. Ngunit sa kabila nito, nang siya’y nagmakaawa at sumampalataya kay Jesus, pinagkalooban siya ng kapatawaran. Sinabi sa kaniya ni Jesucristo, “Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.”
Ang pangyayaring ito ay patunay na si Cristo ang Dakilang Tagapamagitan sa Dios at sa tao. Bilang Tagapamagitan, Siya ang nag-uugnay sa makasalanang tao at sa banal na Dios. Ang Kaniyang pagkapako sa krus ay nagbigay ng pagkakataon sa mga makasalanan upang makalapit sa Dios. Sa pamamagitan ng Kaniyang sakripisyo, Kaniyang ipinaunawa sa tao ang dakilang pagpapatawad ng Dios—isang pagpapatawad na ibinibigay sa mga tunay na nagsisisi at kumikilala sa kanilang mga kasalanan.
PAGPAPATAWAD
Ang Dios, sa pamamagitan ni Cristo, ay laging handang magpatawad kung tayo ay lalapit sa Kaniya nang may tunay na pagsisisi. Tayo ay inaanyayahan Niyang tanggapin ang imbitasyon na manumbalik sa Kaniya sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang sinumang lalapit sa Kaniya, magpapakumbaba, at hihingi ng tawad ay makatitiyak ng kapatawaran. Ang sabi sa 1 Juan 1:9, “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.”
Sa pagpapahayag ng ating kasalanan, patatawarin tayo ng Dios. Tulad ng tulisan na nagmakaawa kay Jesus, hindi natin kailangang magbigay ng ano mang kapalit para sa kapatawaran. Ang tanging nais ng Panginoon ay tanggapin natin Siya at paghariin sa ating puso at ating matatamo ang pagpapatawad—pagpapatawad na nagbubunga ng kaligtasan.
PAGLILIGTAS
Ang pagliligtas ang pinaka-buod ng ginawang sakripisyo ni Jesucristo sa Krus ng Kalbaryo. Ito ay isang regalo ng Dios. Ito ay biyaya ng Dios! Ang sabi sa Efeso 2:8, “Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya…” Tayo ay makasalanan ngunit kung tayo ay sasampalataya sa Dios, tatanggapin natin ang kaligtasan. Kung tayo ay sasampalataya nang buong-puso—na si Cristo ay isinugo ng Dios sa sanglibutan, napako sa krus at namatay para sa ating mga kasalanan, nabuhay na mag-uli at muling babalik—tatanggapin natin ang kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Gaya ng tulisan na sumampalataya kay Cristo, hindi natin kailangang magbigay ng ano mang kapalit para sa kapatawaran. Ang tanging nais ng Panginoon ay tanggapin natin Siya bilang ating Tagapagligtas, at tayo ay makatatanggap ng kaligtasan. Sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay ng Dios upang tayo ay maligtas kundi ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo—ang sa atin ay umiibig, namamagitan, nagpapatawad, at nagliligtas!