Ang Iglesia: Tampulan ng Pag-ibig ng Dios

Ang Iglesia: Tampulan ng Pag-ibig ng Dios
Ang Iglesia: Tampulan ng Pag-ibig ng Dios

Ang pag-ibig ng Dios sa tao ay tunay na dakila. Dahil dito, ibinigay Niya ang Kaniyang Bugtong na Anak (Juan 3:16). Si Cristo ay nagkatawang-tao at ibinigay sa sanglibutan upang magdusa, malagay sa kahihiyan, magkaroon ng latay, at mamatay para sa ating mga kasalanan (Mateo 20:18). Ang “ibinigay” na tinutukoy dito ay hindi gaya ng isang regalong maganda ang balot at may laso, kundi isang sakripisyong puspos ng sakit at pagtitiis.

Sa Banal na Kasulatan, nang ibinigay ang Panginoong Jesucristo sa sanglibutan, siya’y isinuko sa mga taong mapaghimagsik, tampalasan sa Dios, at masasama. Sa Kaniyang kapanganakan, walang natagpuang silid para sa Kaniya kaya’t ipinanganak Siya sa isang sabsaban. Ayon sa Juan 1:11, “Siya’y naparito sa sariling kaniya, at siya’y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya.” Hindi Siya binigyan ng marangal na luklukan ni pinarangalan ng sanglibutan. Siya ang Manlilikha, ngunit hindi Siya kinilala ng Kaniyang mga nilikha (Juan 1:10).

Sa halip na tanggapin, si Cristo ay inalipusta, pinahirapan, at ipinako sa krus. Tunay ang sinabi ni Propeta Isaias: “Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan” (Isaias 53:5). Pinasan ng Panginoon ang ating mga kasalanan. Tunay na walang katumbas ang pag-ibig ng Dios; sukdulang ibigay Niya ang Kaniyang pinakamamahal na Anak para sa atin.

Subalit may hangganan ba ang pag-ibig ng Dios sa mga tumatanggi sa Kaniya? Ayon sa Juan 3:36, “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.” Ang pag-ibig ng Dios ay Kaniyang papalitan ng parusa sa mga hindi tumatalima sa Kaniya. Mahal ng Dios ang makasalanan, ngunit hindi Niya hahayaan tayong manatili sa kasalanan.

Ayon sa Santiago 4:4, “Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipag-away sa Dios?” Ang pangangalunya rito ay hindi lamang pisikal kundi espirituwal—ang pagsisikap na ibigin ang Dios habang iniibig din ang sanglibutan. Hindi maaaring maglingkod sa dalawang panginoon.

Bakit ang Iglesia ang Tampulan ng Pag-ibig ng Dios?

  1. Ang Iglesia ay Binubuo ng mga Tinawag ng Dios

Ang Iglesia ay binubuo ng mga taong tumugon sa panawagan ng Dios (1 Corinto 1:2). Ang tinig ng mga mangangaral ng Dios ay tinig ng Dios sa pagtawag na sa halip na tanggapin, ito’y madalas na minamaliit at kinapopootan ng sanglibutan. Gayunpaman, ang mga tumanggap kay Cristo ay tinawag na Iglesia. Sa Hebreo, ang “Iglesia” ay “kuriakon”, na nangangahulugang “bayan ng Dios.” Ayon sa 2 Tesalonica 2:14, “Sa kalagayang ito’y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.” Dati, tayo’y malalayo sa Dios, ngunit dahil sa panawagan ng evangelio, tayo’y inilapit sa Kaniya.

Ang kaligtasan ng tao ay hindi nagwawakas sa pagtanggap kay Cristo, ito’y pasimula pa lamang. Pagkatapos ay idinaragdag siya sa Iglesia. Hindi totoo na hindi na natin kailangan ang Iglesia kapag tayo’y naligtas. Ang tupa ng Dios ay dinadala Niya sa Kaniyang kawan. Ang mga naliligtas ay idinaragdag sa Iglesia (Gawa 2:47). At kapag naging bahagi na ng Iglesia, dapat magpasakop ang tao gaya ng pagpapasakop ng Iglesia kay Cristo at ni Cristo sa Kaniyang Ama.

Hindi natin maaaring sabihin na hindi natin kailangan ang Iglesia, sapagkat si Cristo mismo ang nagtayo nito. Kung tayo’y tunay na mga anak ng Dios, dapat tayong pumaroon sa bahay ng Dios—ang Kaniyang Iglesia. At kung ating iingatan ang Kaniyang salita, iibigin tayo ng Dios at magpapakahayag Siya sa atin.

  1. Sa Iglesia Nagpapahayag si Cristo

Si Cristo ay hindi lamang Ulo ng Iglesia kundi Siya rin mismo ang nagpahayag ng Kaniyang sarili. Ang Iglesia ay itinakdang daluyan ng Kaniyang mga Salita, biyaya, at kapangyarihan upang maihatid ang kaligtasan sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pangangaral ng evangelio, ang Iglesia ay nagiging tanglaw sa sanglibutan na nagpapahayag ng katotohanan tungkol kay Cristo (Mateo 5:14-16). Ang pagpapahayag na ito ay hindi lamang sa pamamagitan ng doktrina kundi sa mismong buhay ng Iglesia. Sa Efeso 3:10, sinasabi na sa pamamagitan ng Iglesia ay nahahayag ang karunungan ng Dios sa sanglibutan. Ang Iglesia ang tagapagdala ng liwanag ni Cristo—ang nagpapakilala sa Kaniya bilang Tagapagligtas at Panginoon.

Bukod dito, sa Iglesia rin natin mararanasan ang Kaniyang kapangyarihan at biyaya. Ang mga himala, pagpapala, at espirituwal na paghubog ay ibinubuhos sa loob ng Iglesia. Ito ang dahilan kung bakit ang Iglesia ay hindi maaaring ihiwalay sa pananampalataya kay Cristo. Sapagkat ang sinumang lumalayo sa Iglesia ay lumalayo rin sa daluyan ng Kaniyang presensiya. Sa pamamagitan ng Iglesia, ang kapahayagan ni Cristo ay patuloy na ipinapadama sa sanglibutan. Ito ang Kaniyang katawan, bayan, at tagapagdala ng katotohanan. Kaya sa Iglesia natin mararanasan ang ganap na kapahayagan ng Panginoon.

 

Ang Cristianismo ay hindi lamang isang relihiyon kundi isang buhay na pakikipag-ugnayan sa Dios. Kung nais mong maging tampulan ng pag-ibig ng Dios, tanggapin mo Siya nang buong puso. Huwag mong tanggihan ang Kaniyang pag-ibig, at mararanasan mo ito sa buong buhay mo. Hindi ka pa dumadalangin, sinasagot ka na Niya, at ang Kaniyang pagpapala ay higit pa sa iyong inaasahan.