Ang Pagbabagong Kailangan sa Kaligtasan: Mula sa Kahatulan Tungo sa Kapatawaran
Tuwing bagong taon, nasa isip ng karamihan ang pagbabago ng buhay. Tayo ay napupuno ng mga plano o mga bagay na nais nating gawin at kamtim. Ngunit sa pagkakataong ito, aalamin natin kung ano ang pagbabagong nais ng Dios para sa ating kaligtasan. Ang pagbabago ay ninanais sa isang tao, lalo na ng Diyos, na tayo ay magkaroon ng pagbabago — mula sa kahatulan tungo sa Kanyang kapatawaran, mula sa pagkaalipin tungo sa kalayaan, at mula sa kawalang pag-asa tungo sa isang buhay na pag-asa bilang anak ng Diyos na tagapagmana.
Ano ang pagbabagong nais ng Panginoon para sa atin?
1.Pagbabago ng Kalikasan
Gaya ng tanong sa Banal na Kasulatan sa Jeremias 13:23, “Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo’y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.” Walang magagawa ang tao, malibang baguhin ng Dios ang kaniyang kalikasan.
Sa kabila ng pagnanais nating magbago, gaya ng ninanais natin sa gobyerno o sa mga tagapamahala, nananatili ang katanungan: “Paano ito mangyayari?” Maging sa relihiyon, inaakala ng iba na ang pagbabago ng paniniwala ay magdadala ng kaligtasan. Ngunit ang kaligtasan ba ay makakamtan sa pamamagitan ng pagbabago ng relihiyon? Ayon sa (1 Pedro 1:23), “Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.” Ang Mabuting Balita ni Cristo ang nagdadala ng pagbabago. Ito ay hindi ideolohiya o paniniwala lamang.
2.Pagbabago ng Puso
Ang Aklat ng (Awit 51:10) ay nagsasabi, “Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, O Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.” Ang Dios ay tumitingin sa puso, hindi sa panlabas na anyo. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa loob, tulad ng sinasabi sa (Ezekiel 36:26), “Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa…”
Si Haring David, bilang isang Judio, ay bihasa sa mga palatuntunan ng Dios. Ngunit hindi siya nakuntento sa kaniyang kaalaman, kahit na ito ay mabuti. Sapagkat sinasabi sa (1 Samuel 16:7), ang Dios ay nakatingin sa puso at hindi sa panlabas na anyo. Kaya’t kahit bihasa siya sa mga bagay na mabuti, isang bagay ang kaniyang hinihiling sa Dios: ang mabago ang kaniyang puso at espiritu (Awit 51:10).
Maging ang Dios ay nagnanais na ang tao ay magbago. Ngunit ang pagbabago ay hindi nag-uumpisa sa paniniwala o gawa kundi sa pagbabago ng puso. Kaya sa Ezekiel 36:26, “Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.” Ang pagbabagong ito ay nagagawa hindi sa pamamagitan ng katuruan kung ano ang tama at mali, kundi sa pamamagitan ng salita ng Dios.
3.Pagbabago ng Espiritu
Sa pangangaral ng Evangelio, ang Espiritu ng Dios ay kumikilos. Ayon sa (Mateo 12:28-29), ang mga sumasampalataya ay pinalalaya mula sa masamang espiritu at nagkakaroon ng bagong kalikasan. Ayon din sa (Tito 3:5), “Hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo.”
Kung tatanggapin mo si Cristo nang may pananampalataya, ang Banal na Espiritu ay gagawa sa iyong buhay. Ang iyong panlabas na anyo—salita at gawa ay tiyak na mababago. Ang Evangelio ay hindi lamang katuruan kundi isang bagong buhay kay Cristo na ating Panginoon.
Kung ikaw ay sumasampalataya na ikaw ay mahal ng Dios, manunumbalik ka sa Kaniya. Mahal ka ng Dios na ibinigay Niya si Cristo, ang Kaniyang bugtong na Anak. Tanggapin mo muna si Cristo, ang nais Niya ay ang iyong pananampalataya. Kung ipapahayag mong Siya ay iyong Panginoon, si Jesus na nagmula sa langit, nakitulad sa tao, at sa Kaniyang katawang tao’y inako ang ating kasalanan, na namatay at nabuhay na mag-uli, ang Banal na Espiritu ay gagawa sa iyo.